Nasa 23 bahay sa tabing dagat ng Tanza, Cavite ang nasira dahil sa malalakas na alon bunsod ng masamang panahong dala ng hanging habagat.
Ito ang iniulat ng Tanza Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office.
Napag-alaman na hinampas ng malalakas na alon ang mga bahay sa tabi ng dagat sa Barangay Amaya 5, Capipisa, at Calibuyo.
Nasa walong bahay din ang naiulat na partially damaged.
Iniulat din ng TMDRRMO nasa higit 700 indibidwal naman umano ang inilikas o katumbas ng higit 200 pamilya dahil sa pagbaha at malakas na alon.
Siniguro naman ng pamahalaang lokal ng Tanza na sapat ang kanilang tulong lalo na sa pagkain at tubig na kanilang ipinaaabot sa mga residenteng nagsilikas lalo na duon sa ilang mga bata na sinisipon at inuubo na kanila naman binigyang ng mga gamot.
Nakatakda namang magsagawa ang health office ng Tanza ng COVID-19 testing sa mga nasa evacuation center ngayong araw.