Mahigit sa 20 local government officials ang naaresto ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) matapos mahulihan na nagtatago ng mga loose firearms.
Sa datos ng PNP, pumalo na sa 168 ang naaresto ng CIDG na lumabag sa ipinapatupad na gun ban sa loob ng isang linggong operasyon.
Sa nasabing bilang, 145 rito ay mga sibilyan.
Habang sa 23 local government officials, kabilang sa hinuli sina incumbent Tubajon, Dinagat Island Mayor Romeo Vargas at incumbent Tagbina, Surigao del Sur Vice Mayor Antonio Adlao.
Ayon kay PNP Chief Oscar Albayalde, nasa 248 baril ang nakumpiska kung saan 137 ang high-powered firearms, 111 ang low powered firearms, 34 explosives, 307 magazine at 6605 na mga bala.
Sinabi ni Albayalde na layon ng operasyon ay para maiwasan ang paggamit ng private armed group ng mga politiko.
Aminado si Albayalde na marami pang politiko ang kanilang minomonitor at iniimbestigahan na target sa kanilang susunod na operasyon.