-- Advertisements --

ROXAS CITY – Umabot sa 23 na mga baboy ang namatay sa Barangay Cogon, Roxas City ngayong araw, dahil diumano sa African Swine Fever (ASF) na laganap ngayon sa lalawigan ng Capiz.

Sa panayam ng Bombo Radyo Roxas kay Punong Barangay Reynaldo Alparaque Sr., sinabi nito na ipinagbigay alam sa kanya ng may-ari na si Leizl Gajogo ang pagkamatay ng alagang mga baboy.

Kabilang sa mga namatay ang 4 na inahing baboy, 12 ang isinailalim sa fattening at ilang mga biik.

Dahil sa insedente ay kaagad ipinatupad ni Kapitan Alparaque ang checkpoint sa bawat boundary at mahigpit rin na ipinagbabawal ang pagpasok o pagpapalabas ng karne o baboy sa lugar.

Kaagad naman kinunan ng blood sample ng City Agriculture’s Office ang natirang mga baboy at isinailalim sa disinfection ang piggery.

Samantala ayon naman sa may-ari na si Liezl Gajogo na 41 lahat ang kanilang alagang baboy, ngunit 23 ang namatay sa hindi pa malamang dahilan.

Napag-alaman na bago namatay ang kanyang alagang baboy ay nakita nilang wala itong ganang kumain, nagkaroon ng lagnat at sipon at nagsimulang lumabas ang dugo sa ilong ng alagang mga hayop.