Tinatayang nasa 23 katao ang binawian ng buhay ilan dito ay pawang mga menor de edad habang nasa 70 naman ang sugatan na lulan ng subway train matapos gumuho ang bahagi ng metro overpass sa Mexico City.
Sa inisyal na datos na inilabas ng Mexico Comprehensive Risk Managemnet and Civil Protection Agency, nangyari ito bandang alas-10:25 ng gabi ng Lunes habang binabagtas ng subway train ang elevated na bahagi ng metro line 12 o tinatawag na Golden Line nang mag-collapse ang parte ng metro overpass.
Ayon kay Mexico City Mayor Claudia Sheinbaum, naipit sa nangyaring insidente ang isang sasakyan sa ilalim ng gumuhong bahagi ng overpass.
Nagsasagawa na ng emergency service team at rescue operation para sa posibleng pagrekober sa mga survivor.
Taong 2012 nang binuksan sa publiko ang metro 12 line na itinayo sa ilalim ng pamumuno ng dating alkalde ng lungsod na si Foreign Minister Marcelo Ebrard na nagpahayag din ng kaniyang pakikisimpatiya sa mga biktima at kanilang pamilya at binigyang diin na dapat maimbestigahan ang nangyaring insidente.