Ligtas at walang galos ang 23 na Pinoy seafarers lulan ng isang oil tanker na inatake ng Houthi rebels noong Sabado habang naglalayag malapit sa Yemeni port city ng Hodeida.
Ayon sa Department of Migrant Workers, nagtamo ng bahagyang pinsala ang barko.
Nagpatuloy din ito sa paglalayag patungo sa sunod na daungan.
Sinabi din ng ahensiya na masinsinang nakikipag-ugnayan ito sa international maritime authorities, shipping companies at local manning agencies kaugnay sa estado ng barko sakay ang Pilipinong seaferers na naglalayag sa high-risk areas at war-like zones sa Red Sea at Gulf of Aden.
Una rito, iniulat ng US Central Command na dakong 1am noong May 18 nang maglunsad ang Houthi rebels ng isang anti-ship ballistic missile sa Red Sea na tumama naman sa M/T Wind, oil tanker na pagmamay-ari at inooperate ng Panamanian-flagged Greek.
Nagmula ang oil tanker sa Russia kung saan ito nagkarga ng langis patungo ng China.
Wala namang napaulat na nasugatan o nasawi sa panibagong pag-atake ng Houthi rebels sa mga barkong naglalayag sa naturang karagatan.