-- Advertisements --

Aprubado na sa 3rd and final reading ng Kamara ang 23 sa 31 na panukalang batas na kabilang sa listahan ng Legislative Executive Development Advisory Council (LEDAC) bilang “priority measures” ng administrasyong Marcos.

Ito ang ibinida ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez, bago ang recess ng Kongreso para bigyang-daan ang Semana Santa.

Ayon kay Romualdez, ang mga panukalang ito ay layong palakasin ang ekonomiya, magkaroon ng mas maraming trabaho, mabawasan ang kahirapan at mas mabuting serbisyong-pangkalusugan para sa mga Pilipino.

Sinabi ni Romualdez, ginawa ng Kamara ang kanilang parte para sa pagpasa ng mahahalagang lehislasyon, upang matulungan ang bansa mula sa matinding epekto ng COVID-19 pandemic.

Ayon kay Speaker na mula sa 23 na pinagtibay na LEDAC bills, dalawa dito ay pirmado na ni Pang. Ferdinand Marcos Jr.

Ito ang SIM Registration Act at ang panukalang ipagpaliban ang Barangay at Sangguniang Kabataan o SK Elections sa Oct. 2023.

Ang natitirang 8 panukalang batas naman sa LEDAC priority list ay nakasalang na rin sa deliberasyon.

Pagtiyak ni Romualdez, magdodoble-kayod ang Kamara upang maipasa ang natitirang LEDAC measures, at iba pang priority bills ng Kapulungan bago ang “sine die break” na nakatakda naman sa Hunyo.

Samantala, ipinagmalaki rin ni Romualdez ang pagkakapasa sa Kamara ng Maharlika Investment Fund Bill, at ng House Resolution of Both Houses no. 6 para sa Constitutional Convention o Con-Con, ang House Bill 7352 o ang Con-Con Bill para sa Charter Change o Cha-Cha.