Pumalo na sa 230 na mga convicts na pinalaya dahil Good Conduct Time Allowance (GCTA) ang boluntaryong sumuko sa mga PNP stations sa iba’t ibang dako ng bansa (as of 6AM Sept 11).
Ang nasabing datos ay mula September 4 hanggang September 11, 2019.
Ayon kay PNP spokesperson B/Gen. Bernard Banac, sa nasabing bilang nasa 35 na ang nai-turn over ngayon sa Bureau of Corrections (BuCor).
Umaasa ang PNP na bago ang itinakdang deadline bubuhos na ang pagsuko ng mga convicts.
Sinabi pa ni Banac, umaabot na sa 84 na mga convicts ang sumuko na nahaharap sa kasong rape, 77 ang murder, 23 ang robbery with homicide, 11 ang homicide, lima ang robbery with rape at anim ang rape with homicide.
Ang Region 4-B ang may pinakamaraming convicts surrenderees.
Samantala, una nang inamin ni PNP chief Gen. Oscar Albayalde na mahihirapan silang ma-account ang lahat ang nasa 1,914 convicts.
Hirap umano sila dahil kulang sa impormasyon ang nakuha nilang listahan.
Sa darating na September 19 ang deadline sa 15-day grace period na itinakda ng Pangulong Rodrigo Duterte para sumuko ang nasa 1,914 convicts.
Paliwanag naman ni Albayalde, walang malinaw na address na nakalagay sa mga pangalan ng mga convicts na nakuha nila kaya mahihirapan silang hanapin ang mga ito.
Gayunpaman, siniguro ni PNP chief na gagawin nila ang lahat ng makakaya para mahuli ang mga convicts at mai-turn-over sa BuCor kung magpaso na ang taning.
Makakatuwang ng PNP ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at National Bureau of Investigation (NBI) sa pagtugis sa mga convicts na hindi sumuko.