Tuluyan nang nasira ang aabot sa 35 na kabahayan matapos ang nangyaring sunog sa Barangay Tomas Monteverde sa Agdao District.
Ito ay nag-iwan ng daan-daang pamilya na nawalan ng tirahan.
Ayon sa Davao City Bureau of Fire Protection nagmula ang apoy sa Zones 5 at 6 sa kisame sa ikalawang palapag ng bahay ng isang William Varona alas-7 ng umaga at kumalat sa mga kalapit na bahay na gawa sa light materials.
Nakontrol ang sunog pasado alas-9 ng umaga ngunit nahirapan ang mga bumbero na apulahin ang apoy dahil sa limitadong espasyo sa eskinita patungo sa mga apektadong lugar.
Faulty electrical wiring ang inisyal na itinuturong sanhi ng sunog na umabot sa ikatlong alarma.
Tinatayang nasa P1.6 milyon ang pinsala sa ari-arian at walang naiulat na nasugatan.
Dinala ang mga apektadong pamilya sa covered court at tinasa ng Davao City Social Welfare and Development Office.
Ang Davao City government at iba pang concerned agencies, sa pakikipagtulungan ng Barangay Tomas Monteverde, ay nagpasimula ng tulong para sa mga nasunugan.