CENTRAL MINDANAO – Fully operational na ngayon ang aabot sa 236 beds mula sa mga COVID-19 Treatment Facility at Temporary Treatment and Monitoring Facility (TTMF) na matatagpuan sa iba’t ibang bahagi ng Kidapawan City.
Ayon kay Dr. Hamir Hechanova, chief of hospital ng Kidapawan City at siya ring focal person ng One Hospital Command System ng lungsod, kabilang dito ay ang 56 facility beds mula sa limang mga CTF na kinapapalooban ng Kidapawan City Hospital Covid-19 Treatment Facility (22), KCH Covid-19 ANNEX Apo Summit (20), KCH Covid-19 Treatment Facility ANNEX II Dizon (14).
Aabot naman sa 126 community facility beds ang nakapaloob sa apat na mga TTMF sa lungsod at ito ay ang Kidapawan City Pilot Elementary School o KCPES (40), Double R isolation (20), Ate Vanz Isolation (30), at Kidapawan City Gymnasium (36).
Dagdag pa rito ang aabot sa 54 beds mula sa apat na mga private hospitals sa Kidapawan City na kinabibilangan ng Kidapawan Medical Specialist Center, Inc o KMSCI (20 beds), Kidapawan Doctors Hospital (17), Madonna Medical Center (6), at Kidapawan Midway Hospital (11).
Sinabi ni Dr. Hechanova, na patuloy ang pagpapalakas ng mga nabanggit na pagamutan at temporary treatment facilities upang matugunan ang tumataas na kaso ng Covid-19 sa lungsod.
Samantala, madaragdagan pa ang bilang ng mga facility beds sa nalalapit na pagbubukas ng Barangay Nuangan TTMF na may 26-bed capacity, ayon pa kay Dr. Hechanova.
Alinsunod rin ito sa itinatakda ng National Inter-Agency Task Force for Covid-19 o NIATF sa paglalagay o pagtatayo ng mga pasilidad para sa Covid-19 patients.
Una ng nagpatawag ng pulong si Kidapawan City Mayor Joseph Evangelista sa pagitan ng mga opisyal ng mga pampubliko at pribadong ospital kasama na ang mga may-ari ng ilang inns sa lungsod upang patatagin pang lalo ang OHCS.
Kaugnay nito, tiniyak rin ni Mayor Evangelista ang patuloy na pagsisikap ng City Government of Kidapawan upang matugunan ang mga pangangailangan ng mamamayan lalo na ang mga tinamaan ng Covid-19, kasabay ang panawagan sa mamamayan na laging sundin ang mga itinakdang minimum health protocols upang matiyak ang kaligtasan ng bawat isa.