BUTUAN CITY – Nilinaw ng Philippine Coast Guard (PCG) Surigao na nasa ligtas na ang kalagayan ng 236 na mga pasahero mula sa nabutas na fast craft matapos itong sumayad sa kasagsagan ng kanilang biyahe mula Surigao City Port habang patungo sana sa island municipality ng Dapa, Surigao del Norte.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, inihayag ni PCG Surigao Commander Lawrence Roque, ligtas nang nakabalik sa daungan kahapon ng alas-12:30 ng hapon ang fast craft na MV Fortune Angel 2 matapos ma-dis-align ang propeller shaft nito at naputol ang isang timon nang sumayad sa bato na hatid ang makalas na current ng tubig.
Ayon sa opisyal, matapos makatanggap ng distress call ukol sa insidente na naganap sa may Rasa Point at nalamang may kasamahan silang pasahero sa nasabing fast craft, kaagad nilang inatasang ibalik ito sa pier na timing namang dumaan ang sister ship nitong MV Fortune Angel 1 kung kaya’t ito na ang nag-escort nito pabalik sa mainland Surigao.
Nilinaw din ni Roque na malalaki ang mga alon nang maganap ang insidente at dagdag pa ang masamang panahong na nararanasan sa nasabing lalawigan.