-- Advertisements --
oath taking of CJ Peralta
oath taking of CJ Peralta/ Sen. Bog Go image

Kasabay ng pagdalo nito sa kauna-unahang flag raising ceremony bilang punong mahistrado ng Korte Suprema, inilatag na ni Chief Justice Diosdado Peralta ang kanyang mga plano sa hudikatura sa loob ng dalawa at kalahating taon na kanyang panunungkulan.

Isa sa mga agaw pansin sa kanyang mga programa ay ang pagpalagay ng “24-7” o 24 oras sa loob ng isang linggo na help desk sa kanyang opisina.

Kabilang din sa kanyang mga prayoridad ang pagresolba sa mga backlog ng mga kaso sa Supreme Court (SC) at ang pagpapatupad o paglikha ng Judicial Integrity Board.

Inilatag din ng chief justice ang kanyang 10 point program.

Hiniling naman ni Peralta ang suporta ng mga empleyado ng hudikatura sa mahigit dalawang taon nitong panunungkulan.

Todo rin ang pasasalamat ng Ilokanong chief justice kay Pangulong Duterte sa pagpili sa kanya na maging bagong chief justice.

Itinalaga ni Pangulong Duterte si Peralta sa pwesto noon lamang October 23, 2019 bilang kapalit ng nagretirong Ilokano ring chief justice mula sa Bangued, Abra na si Lucas Bersamin.

Magreretiro si Peralta sa Marso 27, 2022.