Tiniyak ng National Irrigation Administration ang 24/7 na monitoring sa lahat ng mga dam nito sa kabila ng sunod-sunod na pagpapakawala ng tubig.
Sa kasalukuyan ay mayroon nang limang dam sa buong Luzon na nagbukas ng mga gate at nagpapakawala ng tubig dahil na rin sa mabibigat na pag-ulang dulot ng bagyong Kristine.
Kinabibilangan ito ng Ipo Dam, Ambuklao Dam, Binga Dam, San Roque Dam, at Magat Dam.
Ayon sa NIA, kailangang mabantayan ang lebel ng tubig sa lahat ng dam upang mabilis ang pagbubukas ng mga spillway gate kung kinakailangan.
Sa pamamagitan nito ay maaga ring naaabisuhan ang mga residente sa mga lugar na maaaring daanan ng tubig na papakawalan mula sa mga naturang dam.
Ayon sa ahensiya, 24/7 din ang ginagawa ng Dam Monitoring Team ng NIA Central Office Command Center na pag-update sa record ng bawat dam tulad ng lebel ng tubig, volume ng naidagdag na tubig, at bulto ng nabawas na tubig sa mga nagsimula nang magpakawala.
Payo ng NIA sa publiko, laging bantayan ang inilalabas na abiso ng mga dam management at lumikas na kung kinakailangan.