-- Advertisements --

KALIBO, Aklan—Gumawa ng sariling pangalan at kasaysayan ang isang katutubo na tubong isla ng Boracay matapos na pangalanan bilang kauna-unahang aeta sa buong lalawigan ng Aklan na pumasa sa February 2024 Licensure Examination for Criminologist.

Si Olimar F. Tamboon, 24-anyos at isang miyembro ng Boracay Ati Tribal Organization (BATO) ay naging inspirasyon sa lahat ng mga katutubo matapos na inanunsyo ng Professional Regulation Commission (PRC) na kabilang siya sa 15,684 na pumasa mula sa kabuuang 32,495 examinees o 48.27 percent na nagbakasakaling maging police officer kung saan, hindi naman siya nabigo.

Sa panayam ng Bombo Radyo Kalibo, hindi naitago ni Tamboon ang kasiyahan sa kaniyang puso dahil sa kabila ng hirap na dinanas ay hindi ito sumuko hanggang sa naabot ang pangarap na maging lisensyado upang makapasok at maging isa sa mga pwersa ng Philippine National Police.

Bilang iskolar ng National Commission on Indigenous People (NCIP), ginawa ni Tamboon ang lahat upang hindi masayang ang allowances na ipinagkaloob sa kaniya ng pamahalaan at upang maiangat ang dignidad ng mga katutubo na walang sinuman ang makalupig sa mga ito.

Si Tamboon kasama ang kaniyang buong angkan ay kasalukuyang naninirahan sa Ati Village sa Barangay Manoc-Manoc sa nasabing isla na nahaharap din sa malaking pagsubok dahil ang ipinagkaloob sa kanilang lupa sa panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ay pilit na binabawi ng mga land developers.

Ngunit, hindi sila nawawalan ng pag-asa at patuloy na ipinaglalaban ang karapatan sa Certificate of Land Ownership na ipinagkaloob sa kanila ng pamahalaan sa panahon ng Duterte administration.