Nagpapatupad na ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board ng 24 oras na monitoring sa lahat ng mga pangunahing terminal sa Pilipinas ngayong Holy Week.
Layon nito na tiyaking ligtas ang lahat ng mga pasahero na paalis at pauwi sa kanilang mga probinsya para gunitain ang Semana Santa.
Kaugnay nito ay inobliga naman ni LTFRB Chairperson Teofilo Guadiz III ng lahat ng mga opisyal nito na magbigay ng ulat sa kanilang tanggapan kada anim na oras hinggil sa mga ginagawa nitong pag monitor sa mga terminal.
Ayon kay Guadiz , nakapagbigay sila ng aabot sa 1,050 special permit sa mga bus para makapagbigay naman ng karagdagang serbisyo sa mga pasaheron pauwi ng probinsya.
Tatagal naman ang bisa ng naturang special permit hanggang sa ikalawang linggo ng buwan ng Abril.
Kaugnay pa rin ng Semana Santa, inulat ng LTFRB na nakapag deploy na sila ng mga City Buses.
Ito ay inaasahang makapaghahatid ng pasaherong apektado dahil sa pansamantalang pagsara ng Philippine National Railways.
Dalawang ruta rin aniya ng PNR ang nilagyan ng LTFRB ng mga kaukulang bus.
Nagpakalat rin ito ng mga modernized jeepneys sa mga ruta ng PNR para magbigay serbisyo sa mga mananakay na patungo sa Tutuban.