-- Advertisements --

ROXAS CITY – Mahigpit na minomonitor ng municipal health unit ang 24 katao na na-expose at kumain ng asong nagpositibo sa rabies sa Barangay Aranguel, President Roxas, Capiz.

Sa interview ng Bombo Radyo Roxas kay Dr. Pilar Posadas, municipal health officer ng President Roxas, sinabi nito na matapos lumabas ang resulta na positibo sa rabies ang asong kalye na kinatay at kinain ng 24 katao ay agad hinanap ang mga ito ng tanggapan at inimbestigahan.

Sinagot din ng local government unit ng President Roxas ang pagbili ng anti rabies vaccine na itinurok sa kumain ng rabid dog, dahil nagmatigas ang nasabing mga tao na wala silang pambili ng bakuna.

Itinurok na ang 2nd dose sa mga ito, habangituturok ang 3rd at last dose sa darating na Biyernes.

Sa ngayon ay wala pang ipinakitang sintomas ng rabies ngunit pinayuhan sila ni Dr. Posadas na sakaling magkaroon sila ng lagnat, mawalan ng ganang kumain at matakot na uminom ng tubig, ay kaagad silang pumunta sa health center para sila ang masuri.