(Update) LA UNION – Hinimatay ang 24 na mag-aaral dahil sa matinding init ng panahon habang nagsasagawa ng earthquake drill ang Bacnotan National High School sa Bacnotan, La Union bandang alas-2:55 kahapon.
Agad namang isinugod sa Bacnotan District Hospital ang mga estudyante na nasa edad 11 hanggang 17-anyos mula sa iba’t ibang year level.
Kabilang din na dinala sa nabanggit na pagamutan ang school principal na hindi na pinangalanan dahil umano sa pagtaas ng kanyang blood pressure.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo La Union kay Dr. Seves Corpuz, attending physician mula Bacnotan District Hospital, sinabi nito na ang mga estudyante ay nakaranas ng hyperventilate syndrome at hypoglycemia.
Dahil dito, ipinayo ni Dr. Corpuz sa lahat na mga kinauukulan lalo na sa mga mag-aaral na bago makibahagi sa ganitong mga aktibidad ay siguraduhing may laman ang tiyan o kumain, tignan ang kaligtasan sa lugar at ikonsidera ang lagay ng panahon, dahil hindi aniya pare-pareho ang resistansiya ng mga tao.
Ayon kay Dr. Corpuz, nakalabas na kagabi ang mga pasyente matapos malapatan ng kaukulang lunas at mabigyan ng pagkain ang mga ito.