![pnp](https://xrc.bomboradyo.com/newscenter/2022/12/pnp.jpg)
Inihayag ng Philippine National Police na hanggang sa kasalukuyan ay mayroon pa rin ilang mga pulis ang nag-aalinlangan na maghain ng anilang courtesry resignation bilang bahagi ng paglilinis sa buong hanay ng kapulisan.
Sa isang pahayag ay inamin ni PNP chief PGen. Rodolfo Azurin na sa ngayon ay mayroon pang 24 na 3rd level officials ng Pambansang Pulisya ang hindi pa nagsusumite ng kanilang pagbibitiw.
Dalawa sa mga ito ay mga heneral, habang lima naman ang pawang mga koronel na nakatakda nang magretiro sa unang bahagi ng taong 2023.
Paliwanag ni PNP chief, isa sa mga pangunahing sintemyento ng mga ito ay ang matagal na nilang pagnunungkulan sa Pambansang Pulisya na bumubuhay na sa kanilang buong pamilya sa loob ng maraming taon.
Bukod dito ay may ilan rin aniya ang nangangambang madawit ang kanilang pangalan sa ilegal na droga sakaling magkaroon ng pagkakamali sa magiging evaluation at assessmen ng Committee of Five kahit na malinis ang kanilang dangal ukol dito.
Ito ang dahilan kung bakit patuloy ang kanilang panawagan sa mga magiging kinatawan ng binubuong Committee of Five na siyang sasala sa mga heneral at koronel ng PNP na maging patas ang kanilang assessment sa mga ito.
Gayunpaman ay umaasa pa rin si Azurin na magko-comply ang lahat ng mga police officials sa panawagan na ito ni Interior Secretary Benjamin Abalos Jr. hanggang sa Enero 31, 2023 na itinakdang deadline sa paghahain ng courtesy resignation.
Samantala, kaugnay nito ay iniulat din ni Azurin na sa ngayon ay pumapalo na sa 929 3rd level officials ang nagsumite na ng courtesy resignation.
Katumbas ito ng 97.48% ng kabuuang bilang na 953 generals at full-pledged colonels ng Pambansang Pulisya.