-- Advertisements --
FDAAp23 1 1
IMAGE | Usec. Eric Domingo, Food and Drug Administration’s Director General/Screengrab, DOH

MANILA – Nilinaw ng Food and Drug Administration (FDA) at Department of Health (DOH) na walang kinalaman ang COVID-19 vaccines sa pagkamatay ng 24-indibidwal na naturukan ng naturang bakuna.

“Although nakakalungkot na syempre may nakita tayong mga ganitong kaso, ang evaluation natin is this happened and its independent, and most of them not related to the vaccination,” ani FDA director general Eric Domingo.

“And that definitely vaccination benefit outweighs the risk.”

Batay sa datos ng FDA, 10 sa mga naturukan ng CoronaVac vaccine ng Sinovac ang binawian ng buhay, habang 14 ang sa bakuna ng AstraZeneca.

Ayon kay Domingo, ang 11 sa kanila ay namatay dahil sa impeksyon sa coronavirus, walo ang dahil sa sakit sa puso at stroke, at tatlo ang nagkaroon ng ibang sakit.

“May tatlo na nagkaroon ng infectious disease other than COVID-19, may nagka-pulmonia, may diabetic na nagka-impeksyon sa paa.”

Mayroon namang dalawang death case ang iniimbestigahan pa kung may ugnayan sa bakuna.

“19 were found to be coincidental o hindi konektado sa bakuna, tatlo is tinatawag na indeterminate o hindi pa kumpleto ang evaluation.”

FDAAp23
IMAGE | Usec. Domingo’s presentation/FDA

Sa kabuuan, 7,044 (1.41%) suspected adverse events following immunization (AEFI) ang naitala mula sa higit 1.6-million na nabakunahan ng Sinovac.

Ang 6,882 sa kanila ay non-serious, habang 152 ang serious adverse event.

Samantalang, 24,698 (2.45%) ang repoted AEFI mula sa 131,023 na naturukan ng AstraZeneca vaccine. Ang 17,448 sa kanila ay non-serious, at 192 ang serious adverse event.

“Ang most common side effect were really mild.”

Karamihan sa naitalang adverse events sa mga naturukan ng Sinovac ay mataas na blood pressure, pananakit sa injection site, pagkahilo, at rashes.

Sa mga nabakunahan naman ng AstraZeneca ay lagnat, sakit ng ulo, pananakit sa injection site, sipon, at pananakit ng katawan.

Paliwanag ng opisyal, itinuturing na “serious adverse event” ang kaso kung kinailangan dalhin sa ospital ang indibidwal matapos mabakunahan, at kung nagkaroon ng pambihirang kapansanan.

Pati na kung nagkaroon ng depekto sa isinalang na sanggol para sa mga buntis, at kung may binawian ng buhay.

Nilinaw ni Domingo na hindi limitado sa Pilipinas ang mga AEFI. Katunayan mula raw sa higit milyong populasyon na nabakunahan na sa ibang bansa, may porsyento rin na namatay. Tulad sa Norway, Hong Kong, at Estados Unidos.

Tinatayang 1.3-million Pilipino na ang naturukan ng unang dose ng COVID-19 vaccine, as of April 20. Nasa higit 209,000 naman ang naka-kumpleto na ng dalawang dose.