-- Advertisements --

Naideport na ang 24 na Pinoy mula US mula nang simulan ng US ang malawakang deportation sa mga undocumented immigrants.

Ayon kay Philippine Ambassador to the United States Jose Manuel Romualdez, ang 24 Pinoy ay pawang nauugnay sa iligal na aktibidad sa US. Ngunit ayon sa ambassador pawang hindi seryosong krimen ang kinasangkutan ng mga ito.

Dahil dito, muling hinikayat ni Romualdez ang mga undocumented Pinoy sa US na huwag nang hintayin ang deportation process, bagkus, simulan nang bumalik sa Pilipinas o isaligal ang kanilang pananatili roon.

Muli ring iginiit ng opisyal ang kahandaan ng embahada na tulungan ang mga ito sa kanilang pagbabalik-bansa upang maiwasan ang malawakang deportasyon.

Una nang pinabalik ng US ang daan-daang mga illegal immigrant at mga foreign criminal na nasa US kasunod ng malawakang pag-aresto sa kanila ilang araw lamang mula nang pormal na nanungkulan si US Pres. Donald Trump.

Ang mga ito ay ibiniyahe pabalik sa kani-kanilang mga bansa gamit ang military aircraft.

Sa kabila ito ay positibo si Romualdez na may pag-asa pa rin ang ibang mga Pinoy na naroon na, nagtatrabaho, at nagbabayad na ng tax.

Aniya, maaaring may tyansa ang mga ito na makakuha ng legal status, lalo na kung tulungan sila ng kanilang mga employer.