Nakikipag-ugnayan na ang Presidential Anti-Organized Crime Commission sa Philippine Statistics Authority para mabigyan ng birth certificate ang mga batang inabandona ng kanilang sariling ama na dating nagtatrabaho sa mga sinalakay na Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hub.
Ayon kay PAOCC executive director Gilbert Cruz, aabot sa 24 na sanggol ang kasalukuyang nasa pangangalaga ng ahensiya.
Ang mga ito ay pawang na-rescue mula sa mga POGO hub kasunod ng mga serye ng pagsalakay nito sa nakalipas na taon.
Maliban sa mga sanggol, binabantayan din ng PAOCC ang kondisyon ng tatlong babae na nabuntis ng mga POGO worker. Ang mga ito ay inaasahang manganganak sa mga susunod na araw.
Isa sa mga ito ay isang babaeng Vietnamese na nabuntis umano ng isang Chinese POGO worker.
Ayon sa PAOCC official, kailangang maalagaan din ang mga ito dahil lahat sila ay pawang biktima ng human trafficking na kagagawan ng mga POGO operator.