-- Advertisements --

Pinaigting pa raw ng lokal na pamahalaan ng Quezon City ang mga preparasyon para sa 24 na pampublikong paaralan na gagamitin bilang coronavirus disease 2019 (COVID-19) inoculation sites.

Sa isang pahayag, sinabi ni Quezon City Mayor Joy Belmonte na napili ang naturang mga paaralan dahil sapat ang espasyo rito para sa malayang pagkilos at masunod ang ipinatutupad na social distancing.

“They are also the nearest venues from our health centers, where the vaccines coming from Zuellig to our cold storage facility will be stored,” wika ni Belmonte.

Bawat inoculation site ay magkakaroon aniya ng waiting area, registration area, counseling area, screening area, vaccination room, at observation room.

Ayon naman kay Dr. Esperanza Anita Ascaño-Arias, pinuno ng QC Health Department, hindi dapat malantad ang mga bakuna sa sinag ng araw dahil sa napakasensitibo ng mga ito.

“To avoid wastage of the vaccine, the vaccination itself should take place in a covered facility. The vaccine is very sensitive lalo na kapag naarawan,” saad nito.

Dalawampu’t dalawang empleyado na binubuo ng mga physicians, marshals, vaccinators, counselors, at admin staff, ang itatalaga sa kada vaccination site.

Naka-standby din ang isang generator at ambulansya.

Asahan din umano na madadagdagan pa ang bilang ng mga inoculation sites dahil pinaplantsa na nila ang negosasyon nila sa Diocese of Cubao at Diocese of Novaliches na inialok ang kanilang mga parokya bilang venues.