Nakalapag na sa Estados Unidos ang eroplanong may lulan na 240 U.S. citizens na inilikas mula sa Wuhan, China na pansamantalang namalagi sa March Air Reserve Base sa California.
Ito ay bilang paghahanda umano ng Amerika sa mabilis na pagtaas ng kaso ng Wuhan coronavirus.
Ginamit ang naturang sasakyang panghimpapawid upang ilikas ang ilang U.S diplomats mula sa U.S Consulate at iba pang American nationals na nasa Wuhan.
Nakatakda sana itong lumapag sa Ontario International Airport sa California.
Hindi naman nagbigay ng komento patungkol dito si San Bernardino County Supervisor Curt Hagman. Aniya, nakatanggap na lamang sila ng abiso mula sa Centers for Disease Control and Prevention (CDC) na didirekta ng March Air Force Base ang eroplano.
Inamin din ni Hagman na kabi-kabilang mensahe ng pagkabahala ang kaniyang natanggap mula sa ilang distrito. Gusto raw nilang makasigurado na nakahanda ang gobyerno sa anumang pagbabadya ng coronavirus sa lugar.
Samantala, pinaplano ng Australia na magsagawa ng island quarantine para sa mga mamamayan nito na uuwi sa kanilang bansa mula Wuhan, China.
Una nang sinuspinde ng Brtish Airways ang lahat ng flights papunta at pabalik ng China.
Inihahanda na rin ng Japan, Amerika at Europe na ilikas ang kanilang mamamayan na hanggang ngayon ay nasa Wuhan pa.