LA UNION – Bagamat abala ang mga otoridad sa mga lansangan at pampublikong lugar sa pagpapatupad ng mga alituntunin sa General Community Quarantine dulot ng coronavirus pandemic, hindi nakaligtas dahil sa paglabag sa batas na may kaugnayan sa iligal na droga, ang isang buntis at isang binata.
Sa isinagawang buy bust operation, inaresto ng mga tauhan ng La Union Provincial Drug Enforcement Unit (LUPDEU), PDEA-RO1, at ng San Fernando City PS, ang mga suspek, sina: Jay-R Quiban, 21, residente ng Brgy. Catbangen at Jesil Llagas, 25, pitong buwan na buntis, at nakatira ngayon ng Barangay San Francisco San Fernando City La Union.
Kinumpiska din mula sa mga suspek ang ilang piraso ng plastic sachet ng umano’y shabu na may DDB value na P6800 at isang (1) piraso ng P1,000 bill na nagsilbing buy-bust money.
Kasong paglabag sa Art II Section 5 ng RA 9165 ang kinakaharap ngayon ng dalawang suspek.
Samantala, naiyak naman si Llagas nang tanungin ng Bombo Radyo kung ilang buwan na ang ipinagbubuntis nito.
Aniya, nagawa niyang magbenta ng droga dahil umano sa kawalan ng suporta na natatanggap mula sa kanyang mister na nagtatrabaho sa Tarlac at naabutan umano ng lockdown.
Maliban sa kanyang ipinagbubuntis, may isa pa siyang anak na apat na taong gulang.
Dagdag pa nito na may plano rin siyang umuwi sa Northern Samar.