CEBU – Arestado ang isang 25-anyos na lalaki sa Balaga Drive, Barangay Labangon, Cebu City sa isinagawang operasyon ng Cebu City Drug Enforcement Unit (CDEU) sa pangunguna ni Police Major Jonathan Taneo.
Kinilala ang nadakip na si Robero Bakud, 25, may asawa, walang trabaho at residente nang nasabing lugar.
Nakuha sa Bakud ang 1.75 kilo ng hinihinalang shabu na inilagay sa isang refined Chinese tea bag na tinatayang nagkakahalaga ng P6.9 M.
Ibinunyag ng suspek na nagsimula itong magbenta nang tamaan ng Bagyong Odette ang Cebu noong nakaraang taon dahil sa hirap na naman ng buhay.
Walang trabaho ang kanyang asawa at naaakit siya ng P10,000 na pabuya kung makakapagbenta o makapagdeliver ng bawat kilo ng shabu.
Puno ng pagsisi si Bakud sa kinasangkutang ilegal na aktibidad at sinabing handa siyang makipagtulungan sa pulisya ngunit natatakot ito.
Nakakulong na at nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang suspetsado.- BJR