BAGUIO CITY – Pinatawan ng multa ng Department of Labor and Employment (DOLE) Cordillera ang Chinese contractor workers workers ng ginagawang P4.3 billion Chico River Pump Irrigation Project sa lalawigan ng Kalinga dahil sa umano’y paglabag sa mga labor standards ng bansa.
Ayon kay DOLE-Cordillera regional director Exequiel Ronnie Guzman, nilabag daw ng mga ito ang required alien employment permit para sa mga foreign workers na nagtatrabaho sa bansa.
Aniya, ang 25 na Chinese workers ay pinagmumulta ng tig-P10,000 dahil sa pagtatrabaho nila sa bansa na walang required permit.
Pinagmumulta rin ang China CAMC Engineering Company Limited na contractor ng nasabing irrigation project ng aabot sa P250,000 dahil sa pag-empleyo nito ng mga foreign workers na hindi binigyan ng DOLE ng required permits.
Iniutos aniya ng DOLE-Cordillera ang pag-apply ng mga nasabing Chinese workers ng alien employment permit kung saan napag-alaman na sumasailalim na sa regular processing sa concerned labor officials ang mga nasabing permit.
Una nang sinertipikahan ng project management office ng National Irrigation Administration na highly technical ang trabaho ng mga nasabing Chinese workers sa Chico River Pump Irrigation Project.
Napag-alaman kay Guzman na ang Chinese contractor ng nasabing proyekto ay state-owned construction company sa China kung saan may aktibo itong partisipasyon sa mga multi-billion worth na kaparehong proyekto sa Agno River at Ilocos Sur sa mga nakaraang dalawang dekada.
Napagsabihan din ang ilang Chinese workers sa pagkuha nila ng kanilang permits sa DOLE-Region II dahil ang trabaho nila ay sa Tuao, Cagayan na major recipient ng irrigation project.