-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Nilinaw ng isang doktor mula sa Negros Oriental na hindi polusyon o haze ng Indonesia ang sanhi ng pagsugod sa ospital ng mahigit 20 estudyante sa bayan ng Vallehermoso.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Dr. Debito Gonzaga ng Municipal Health Center, mabahong amoy mula sa isang nakatiwang-wang na septic tank at usok mula sa sinunog na dahon ang dahilan kung bakit sumama ang pakiramdam ng nasa 25 babaeng estudyante.

Batay sa ulat, isinugod sa health center ang mga estudyante ng St. Francis Assisi High School matapos sumama ang pakiramdam habang nasa klase.

May inilipat naman sa kalapit na ospital sa San Carlos City, Negros Occidental, dahil sa labis na naramdamang sakit sa ulo, pagsusuka at pagkawala ng malay.

Kung maaalala, kinumpirma ng Environmental Management Bureau-Region 6 na umabot na sa Negros Occidental ang polusyon dulot ng forest fire sa Indonesia.