CENTRAL MINDANAO – Umaabot na sa 25 katao ang naospital dahil umano sa maruming tubig na kanilang ininom sa probinsya ng Cotabato.
Ito ang kinumpirma ni Brgy Nalin 2, Midsayap, Cotabato Brgy Kagawad Alladin Puntuan.
Karamihan sa mga biktima ay nakaranas umano ng sobrang sakit ng tiyan,ulo at pagtatae o LBM.
Ang mga biktima ay mga residente ng Purok 6, Brgy Nalin 2 sa bayan ng Midsayap.
Ayon kay Puntuan, nakausap niya mismo ang mga doktor at nagsabi na hindi simpleng pagtatae lamang ang nararanasan ng mga biktima o posibleng nanggaling sa kontaminadong tubig na kanilang ininom o amoebiasis.
Bago naospital ang 25 katao ay nakaranas ng matinding pagbaha ang Purok 6 at umapaw ang irrigation canal sa mga kabahayan.
Malaki ang paniniwala ni Brgy Kagawad Puntuan na galing sa tubig na ininom at pangluto ng mga residente sa jetmatic pump o bomba ng tubig.
Kontaminado umano ito ng maruming tubig sa nangyaring baha at napalibutan pa ng mga palikuran o CR ang jetmatic pump.
Hiling ngayon ni Puntuan sa LGU-Midsayap, provincial government at mga ahensya ng gobyerno na silay matulungan dahil halos lahat ng mga biktima ay mga mahihirap na pamilya.
Hinintay na lamang ng opisyal ang resulta ng eksamin ng mga doktor sa mga naospital sa pinaniniwalaang diarrhea outbreak.
Agad namang kumilos si dating Cotabato Board Member Rolly Sacdalan at nagpadala ng maiinom na tubig sa Purok 6 Brgy Nalin sa bayan ng Midsayap.
Nagsagawa na rin ng inisyal na imbestigasyon ang mga health doctors ng provincial government ng Cotabato kung ano talaga ang sanhi o sakit na tumama sa mga biktima.