Dumating na ang 25 miyembro ng Philippine Inter-agency Humanitarian Contingent sa Mandalay para tumulong sa paghahanap sa apat na nawawalang Pilipino na pinaniniwalang na-trap sa gumuhong Sky Villa Condominium matapos tumama ang 7.7-magnitude na lindol sa Myanmar noong Marso 28.
Sa latest situation report nitong Linggo na ibinahagi ng Office of the Civil Defense (OCD), sinabi nito na kabilang sa idineploy ay mula sa Urban Search and Rescue team (USAR), Defense and Armed Forces attaches (DAFA), Contingent Commander, at Liaison Officer.
Matapos aprubahan ang kanilang deployment, umalis ang grupo sakay ng 45-seater bus at dumating sa ILBC International School, IGCSE, Mandalay.
Tutulong ang grupo sa mga opisyal ng Embahada ng Pilipinas sa Yangon at National Bureau of Investigation (NBI) team na nauna ng nagtungo sa Mandalay para hanapin ang 4 na nawawalang Pilipino.
Nakipagkita rin ang Liaison Officer/Public Information Officer sa kamag-anak ng apat na nawawalang overseas Filipino workers kung saan binigyan ang mga ito ng update.
Samantala, nakapagbigay na rin ng tulong medikal ang Philippine Inter-Agency Humanitarian Contingent (PIAHC) sa mahigit 200 pasyente kabilang ang apat na Pilipino sa isang field hospital sa Myanmar.
Sa ipinadalang datos mula sa medical team sa Myanmar, nasa kabuuang 268 na pasyente na ang nabigyan ng tulong medikal ng Philippine Emergency Medical Assistance Team (PEMAT) Visayas mula Abril 2 hanggang 5.
Nasa 140 dito ay nalapatan ng medical assistance noong Abril 5 kabilang ang 136 na Burmese at 4 na Pilipino
Ilan sa mga sanhi ng konsultasyon ay hypertension, Type II diabetes, hypertensive crisis, arthrosis, muscle disorder, urinary disorder, wrist/hand injuries, conjunctivitis, pneumonia, at dorsalgia.
Tinugunan din ng PEMAT ang 21 mga kaso na may kaugnayan sa lindol.
Nananatili namang accounted at nasa ligtas na kalagayan ang lahat ng personnel ng PH contingent.