LEGAZPI CITY – Bakas sa mukha ng mga dating rebelde ang katuwaan matapos na matanggap ang libreng skills training at livelihood kits na hatid ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at Department of Labor and Employment (DOLE).
Benepisaryo ng naturang programa ang nasa 25 rebel returnees na mula pa sa Masbate.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay DOLE Bicol information officer Johanna Vi Gasga, ilan sa mga ibinigay ay carpentry at masonry tools.
Maliban umano sa pagiging kasapi ng CAFGU ng ilan, dagdag na kita ang pagtatrabaho bilang karpintero.
Pinakabata sa mga nakatanggap ng tulong ay edad 18-anyos habang nasa 56-anyos na ang pinakamatanda.
Ilan sa mga kababaihan ay tumanggap ng washing machine at iba pang gamit sa paglalabada na ipangkakapital sa pagnenegosyo.
Isinagawa ang pamamahagi nito kasabay ng Family Day ng mga rebel returnees habang nagkaroon ng simpleng salo-salo pagkatapos.