-- Advertisements --
duterte on PCSO
PCSO

Nilagdaan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang batas na naggagawad ng 25 taong prangkisa sa “Solar Para sa Bayan” na pagmamay-ari ng anak ni Antique Rep. Loren Legarda na si Leandro Leviste para magbigay ng solar energy sa mga nasa liblib na bayan sa buong bansa.

Batay sa Republic Act No. 11357 na pirmado ni Pangulong Duterte nitong July 31, kabilang sa mga seserbisyuhan ng kompanya ni Leviste ang mga barangay, munisipalidad at lungsod sa mga lalawigan ng Aurora, Bohol, Cagayan, Camiguin, Capiz, Compostela Valley, Davao Oriental, Guimaras, Isabela, Masbate, Misamis Occidental, Occidental Mindoro, Oriental Mindoro, Palawan at Tawi-Tawi.

Kaugnay nito, inoobliga ng batas ang kompanya ng batang Leviste na magtayo ng mga pasilidad at mamahagi ng mga equipment para maka-avail ang mga kustomer ng maayos at maaasahang supply ng enerhiya.

Sa ilalim din ng batas, inaatasan ang solar firm na na magsumite sa Energy Regulatory Commission (ERC), Department of Energy at Kongreso ng annual compliance report alinsunod sa terms and conditions ng prangkisa.