VIGAN CITY – Aabot sa 20,000 hanggang 25,000 bagong trabaho ang posibleng buksan sa bansa kaugnay sa nakatakdang pagtatayo ng kauna-unahang fiberglass rebar plant ng mga Korean investors sa Pilipinas, partikular na sa Narvacan, Ilocos Sur.
Ito ang kinumpirma ni dating Ilocos Sur governor at incoming Narvacan Mayor Luis “Chavit†Singson sa Bombo Radyo Vigan.
Noong June 1, dumiretso si Singson, kasama ang anak nitong si Christian Singson sa Busan, South Korea para makipagkita sa Korean business partner nito para sa kauna-unahang fiberglass rebar plant na itatayo sa bayan ng Narvacan.
Nanggaling sina Singson sa 25th International Conference on the Future of Asia sa Japan dahil kasama ito sa delegasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Nagsalo sa isang dinner sa Busan Seafood Market sina Singson, kasama ang may-ari ng CPT- Rebar Korea, mga engineers at apat na managers nito na galing sa Narvacan base sa larawang ipinadala nito.
Maliban sa libu-libong trabaho, inaasahan na ang nasabing planta ang magpapababa ng presyo ng mga materyales sa pagpapatayo ng mga gusali at bahay sa Pilipinas, pati na mga kalsada at tulay.
Una nang sinabi ng politician- businessman na kasama ang nasabing proyekto sa mga trinabaho nito noong sumama ito sa pagpunta ni Pangulong Duterte sa South Korea noong nakaraang taon.