GENERAL SANTOS CITY – Umabot na sa 251 na mga sibilyan ang pormal na nakapagsampa ng kaso laban sa halos P2 billion Police Paluwagan Movement investment scam.
Batay sa report mula sa National Bureau of Investigation – Sarangani District Office (NBI-SARDO), nabatid na kabilang sa mga nagreklamo ang ilang recruiters na nakapaglagak ng ilang milyong pisong halaga ng pera.
Ayon sa NBI-SARDO, umabot na sa halos P900 million ang claims ng mga kasalukuyang complainants.
Inaasahan pa umano ng nasabing tanggapan na madadagdagan pa ang nasabing bilang ng mga nagreklamo laban sa itinuturong utak ng Police Paluwagan Movement investment scam na si Shiela Agustin at iba pang mga sangkot dito.
Nauna nang kinasuhan ng NBI ng syndicated estafa si Agustin, habang patuloy na iniimbestigahan naman ang ilan sa mga dating opisyal ng General Santos City Police Office at Police Regional Office-12 makaraang idawit sa naturang scam.