-- Advertisements --

Nasa 251 mga na-stranded na estudyante ng Mindanao State University ang ni-rescue ng militar sa Lanao del Sur nitong Biyernes para makauwi sa kani-kanilang mga lugar.

Mula sa 25 bayan ang nasabing mga estudyante, na hindi makauwi dahil naabutan ng enhanced community quarantine dahil sa COVID-19.

Ayon kay 82nd Infantry Battalion (IB) civil military officer 1Lt. Charles Leiand Regala, mga tropa mula sa 82IB, 49IB, 55IB at 12th CMO Battalion ng 103rd Infantry Brigade, sa pakikipagtulungan ng Lanao del Sur-Inter Agency Task Force (LDS AITF) for the Management of COVID-19, Provincial Government ng Lanao del Sur, at mga opisyal ng MSU ang nagsanib-puwersa para makauwi ang mga nasabing estudyante.

Sa 905 na mga naistranded na estudyante, nasa 654 dito ang nakatira sa labas ng Lanao del Sur at naghihitay na lamang na sila ay mai-transport sa kani-kanilang mga lugar.

Mahigpit ang ginagawang koordinasyon ni Army 103rd Brigade Commander Col. Jose Maria Cuerpo II sa mga LGUs at concerned agencies para mapadali ang pagbiyahe sa mga nai-stranded na estudyante.

Siniguro ni Cuerpo na nakahanda ang militar sa probinsiya na tulungan komunidad na nangangailangan ng tulong.

Sa kabilang dako, tuloy-tuloy pa rin ang pamamahagi ng militar sa nasabing probinsiya ng mga family food packs.

Sa datos ng 82nd IB umabot na sa 60,683 food packs ang naipamahagi sa 10 munisipyo sa Lanao del Sur.

Inilunsad din sa nasabing probinsiya ang Rolling Store nang sa gayon hindi na lalabas pa ang mga tao para mamili ng kanilang mga basic commodities.

Para mapalawak pa ang health awareness ng publiko, namahagi ng nasa 1,500 COVID-19 information leaflets ang 82nd IB at ang 12th CMO Battalion sa komunidad.