Nasa kabuuang 259 barangay sa lungsod ng Maynila ang makatatanggap ng cash reward na P100,000 makaraang mapanatili na coronavirus disease (COVID-19)-free ang kanilang lugar ng dalawang buwan.
Kasama sa nasabing bilang ang 32 barangay na lumahok sa hamon ng pamahalaang lungsod sa ikalawang pagkakataon.
Noong Nobyembre 2020, hinamon ni Manila Mayor Isko Moreno ang mga barangay na dapat ay mapanatili nilang walang kaso ng COVID-19 sa kanilang lokalidad mula Disyembre 1, 2020 hanggang Enero 31, 2021 upang makatanggap ng pabuya na P100,000.
Ganito rin ang naging hamon ni Moreno sa mga barangay sa panahon mula Setyembre 1 hanggang Oktubre 31, kung saan 73 barangay ang nakasunod.
Una nang sinabi ni Moreno na ang challenge na ito ay para bigyan ng kapangyarihan ang mga barangay na makatulong sa local government unit na harapin ang health crisis.
Maaari rin aniya na magkaroon pa ng ikatlong challenge kung makahanap daw ito ng sapat na pondo para rito.