Inaasahang sasama ang nasa 25,000 miyembro ng transport group na Samahang Manibela Mananakay at Nagkaisang Terminal ng Transportasyon (Manibela) sa ikakasang 3 araw na protesta simula sa araw ng Lunes, Hunyo 10 hanggang 12.
Ayon kay Manibela president Mar Valbuena, pinaka-sentro ng kanilang protesta ang National Capital Region na mayroong hindi bababa sa 25,000 ang kanilang miyembro.
Kung saan ang Makati at Mandaluyong ang tanging 2 lugar sa Metro Manila na posibleng hindi masyadong maapektuhan ng kanilang protesta at tigil pasada.
Maliban dito, una nang sinabi ng grupo na lalahok din ang kanilang mga miyembro mula sa Calabarzon, Central Luzon, Ilocos Region, at Cordillera Administrative Region para sa nationwide strike.
Samantala, humingi naman ng paumanhin si Valbuena sa mga mananakay na maapektuhan ng kanilang transport strike.
Nananawagan naman si Vlabuena sa kanyang mga kasamahan na iwasang magkaroon ng komosyon sa mga awtoridad o magkasakitan sa kasagsagan ng kanilang rally.
Ito ay dahil sa maraming beses na aniya silang tinakot na huhulihin sila subalit hindi aniya maiiwasan na lumaban sila.
Ang ikakasang panibagong transport strike ng grupo ay bilang pagtutol pa rin sa paghuli ng mga dyip na hindi nag-consolidate sa ilalim ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).