Kinumpirma ng Bureau of Corrections na aabot na sa 26 BuCor personnel ang sinibak sa pwesto dahil sa grave misconduct at gross neglect of duty mula pa noong 2022.
Aabot na rin sa higit isang daang personnel ng ahensya ang nananatiling iniimbestigahan dahil sa parehong kaso.
Kaugnay nito ay nangako si BuCor Director General Gregorio Catapang Jr. na ipagpapatuloy ang kanyang pagsisikap na linisin ang ahensya na nakaranas ng mga kontrobersiya nitong mga nakaraang taon.
Kabilang na dito ang umano’y pagkakasangkot ng dating hepe nito sa pagpatay noong 2022 sa broadcast journalist na si Percival “Percy Lapid” Mabasa.
Bukod sa 26 na na-dismiss, sinabi ni Catapang na mayroong 71 tauhan ang iniimbestigahan ng BuCor Internal Affairs Office habang 35 uniformed at isang non-uniformed personnel ang iniimbestigahan ng Intelligence and Investigation Division para sa “various allegations and offenses.”
Ayon kay Catapang, kasabay ng pagbibigay nila ng promotion sa mga nagpamalas ng magandang performance sa trabaho ay nanawagan rin ito na panatilihin ang pagiging propesyonal.
Aabot naman aniya sa 129 personnel ang kanilang iprinomote.
Kabilang na rito ang 2 Corrections Chief Superintendents, Corrections Superintendent, Corrections Technical Chief Inspectors, Corrections Chief Inspectors, Corrections Senior Officer IV, Corrections Officers II, Corrections Technical Officer II at Non-Uniformed Personnel.
Tiniyak rin ni Catapang sa publiko na sa ilalim ng kanyang pamumuno at magpapatuloy ang mga repormang ipapatupad sa kanilang mga hanay.