BACOLOD CITY – Pumalo sa 26 ang bilang ng firecracker-related injuries sa buong lalawigan ng Negros Occidental kasabay ng pagsalubong sa taong 2020.
Nangunguna sa may pinakamaraming nasugatan ay ang bayan ng Hinigaran na may pito, habang may tig-lima naman sa La Castellana at Talisay City.
Umaabot naman sa apat ang narekord sa Cadiz City, tig-dalawa sa Silay City at Moises Padxilla; habang may isang sugatan sa Kabankalan City.
Ayon sa Negros Occidental Police Provincial Office, mas mababa ito ng 25 porsyento kung ihambing sa 36 firecracker-related injuries sa parehong period nakaraang taon.
Samantala, sugatan naman ang 41-anyos na lalaki sa lungsod ng Bacolod makaraang pumutok ang paputok na kanyang pinulot kahapon.
Ang biktimang si Wilfredo Islabon ng Purok Maabi-abihon, Barangay Punta Taytay ang nasugatan sa kamay at tiyan makaraang maputukan ng kamara.
Inisip umano ng biktima na ligtas ang paputok kaya’t kanyang pinulot ngunit bigla itong pumutok.
Maliban kay Islabon, may tatlo pang menor de edad sa Bacolod at Murcia na naospital makaraang masabugan ng pulbura na kanilang tinipon mula sa mga hindi pumutok na firecrackers.