-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Makakapagsimula na ng maliit na negosyo ang abot sa 26 na kabataang Indigenous Peoples (IP) ganundin ang abot sa 6 na mga maliliit na negosyanteng nabiktima ng sunog sa Lungsod ng Kidapawan.

Ito ay matapos silang makatanggap ng ayuda mula sa Pangkabuhayan sa Pagbangon at Ginhawa Program ng Department of Trade and Industry o DTI 12.

Mga business starter kits ang ayudang ipinamahagi sa mga benepisyaryo sa turn-over ceremony na ginanap sa City Convention Center sa pangunguna ni DTI Cotabato Provincial Director Ferdinand Cabiles.

Nakapaloob sa nabanggit na ayuda ang rice retailing business o “bigasan” (9 beneficiaries) mini-grocery (21 beneficiaries), siomai business (1), manicure/pedicure (1) kung saan nagkakahalaga ng P8,500 ang bawat business starter kit o kabuuang halaga na P272,000, ayon kay PD Cabiles.

Nagmula sa iba’t-ibang barangay ang mga IP at fire victims (fire incident in Talipapa, Sandawa Road) beneficiaries tulad ng Kalasuyan, Balabag, singao, Ginatilan, Meohao, Amazion, Amas, Balindog, Manongol, Sikitan, Mua-an, Ilomavis, Sudapin, Perez, Junction, at Poblacion.

Sa kanyang mensahe, sinabi ni PD Cabiles na inaasahan ng DTI na magbibigay daan ang ayuda mula sa PPG sa pag-angat ng antas ng pamumuhay ng mga benepisyaryo bilang mga micro-entrepreneurs sa harap na rin ng iba’t-ibang krisis at hamon na kinakaharap ng bawat isa.

Dumalo din sa turn-over ceremony si IP Youth Focal Person Rogelio Batongmalaki, Jr. na siyang kinatawan ni Kidapawan City Mayor Atty. Jose Paolo M. Evangelista. Ipinarating ni Batongmalaki ang mensahe ng pasasalamat ng alkalde kasabay ang paghimok sa mga ito na pagbutihin ang kanilang napiling negosyo mula sa ahensiya ng pamahalaan.

Naging partner ng DTI sa pagpapatupad ng programa at pamamahagi ng ayuda ang Negosyo Center Kidapawan sa pangunguna ni Junior Business Counselor Edbralen Shekina G. Ancheta kasama sina PPG Focal Person Samsia Banlasa, PPG Admin Officer Lei Theresa Gementiza, at PPG Support Staff na sina Beverly Gerardino at Honey Grace Culata at ang Kidapawan City Indigenous Youth Federation.