-- Advertisements --

LAOAG CITY – Matagumpay na naharang ng mga otoridad sa border checkpoint sa bayan ng Badoc, Ilocos Norte ang 26 katao na balak pumuslit papasok sa lalawigan.

Sinabi ni PCpt. Joseph Tayaban, chief of police ng PNP-Badoc na hinarang nila ang isang wing van at nagpakita umano ang driver at kasama nito ng kumpletong dokumento.

Ngunit nang pinabuksan nila ang van ay nadiskubre nila ang 24 katao na pare-parehong construction worker na walang kahit anong dokumento na magpapatunay na puwede silang makapasok sa probinsya.

Ayon kay Tayaban, ang mga indibidwal ay papunta sa bayan ng San Nicolas para magtrabaho sa Sta. Monica Homes, ang New AFP/PNP Housing Project ngNational Housing Authority sa Brgy. 17.

Nabatid na pare-parehong negatibo ang resulta ng rapid test sa mga indibidwal at sa ngayon ay mas pinilng bumalik sa kanilang mga lugar kaysa sa ma-quarantine.

Ganunpaman, sinabi ni Tayaban na sasampahan pa rin nila ng kaso ang mga ito dahil sa paglabag nila sa Article 151 ng Revised Penal Code at Section 9 ng Republic Act 11332.