Umabot na sa 26 learning days ang nasayang sa 2024-2025 school calendar dahil sa mga class suspension dulot ng magkakasunod na kalamidad na naranasan ng bansa.
Ayon sa Department of Education, halos lahat ng rehiyon sa buong bansa ay nakapagtala ng class suspension mula Agosto hanggang buwan ng Oktubre.
Kabilang sa mga kalamidad na nagdulot ng mahaba-haba at malawakang class suspension ay ang pagkalat ng mabigat na smog mula Taal Volcano, enhanced southwest monsoon, bagyong Ferdie at Gener, bagyong Enteng, at Tropical Storm Helen.
Naka-apekto rin ang ikinasang transport strike noong Setyembre; bagyong Julian, Severe Tropical Storm Kristine at Supertyphoon Leon.
Pinaka-apektado rito ang Calabarzon na may naitalang 26 school days na nawala. Sinundan ng Cagayan Valley at Central Luzon na kapwa may 24 days, at Cordillera Administrative Region na may kabuuang 23.
Una nang sinabi ng DepEd na sa pananalasa ng magkasunod na bagyong Kristine at Leon ay nasira ang kabuuang 2,445 classrooms kung saan 492 dito ay pawang mga totally damage.