-- Advertisements --

Umabot na sa 26 katao ang nasawi matapos ang 46 araw na pagbuhos ng malakas na ulan sa South Korea.

Sa datos mula sa Ministry of the Interior and Safety, halos 5,000 katao na ang inilikas dahil sa masungit na panahon sa katimugang bahagi ng Korean peninsula.

Nasa 10 katao naman ang napaulat na nawawala.

Ayon sa isang opisyal ng South Jeolla province, nasa 100 metro ng dike ang bumigay sa Seomjin River, na nagdulot ng pagbaha sa mga kalapit na lugar.

Inilikas din ang halos 2,000 katao sa lalawigan kasama na ang 500 na nakatira malapit sa ilog.

Itinaas na rin ng forestry agency ng bansa sa pinakamataas na lebel ang lanslide warning sa lahat ng rehiyon maliban sa isla ng Jeju.

Nitong Biyernes nang mabaon sa landslide ang limang kabahayan sa Gokseong, South Jeolla, na kumitil sa buhay ng limang katao, habang tatlo naman ang nailigtas.

Kinansela rin ang 12 local flights sa Gwangju airport matapos bahain ang runway.

Binalaan naman ng lokal na gobyerno ng Seoul ang kanilang mga mamamayan na umiwas sa mga basement, valley, at mga ilog dahil sa inaasahan pang malakas na buhos ng ulan.

Habang sa katabing bansa na North Korea, nagbabala rin ang state media tungkol sa karagdagang malakas na ulan sa mga lugar na nauna nang binaha. (Reuters)