-- Advertisements --

Dalawampu’t anim (26) na Pilipino ang na-repatriate mula Oddar Meanchey Province, Cambodia noong Abril 16, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA).

Ayon sa embahada, ang mga kababayan ay kusang humiling na makauwi matapos maipit sa isang kumpanya sa Samraong Municipality. Nakipag-ugnayan ang embahada sa pamahalaan ng Cambodia para sa kanilang pagpapalaya at ligtas na pagbabalik sa bansa.

Nagpasalamat ang DFA sa Royal Government of Cambodia sa mabilis na aksyon at binigyang-diin ang matibay na ugnayan sa pagitan ng dalawang bansa.

Sinalubong sa paliparan ang mga repatriates ng mga kinatawan mula sa DFA, Department of Migrant Workers (DMW), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), at Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) upang agad na mabigyan ng tulong at suporta.

Nagpaalala ang DFA sa publiko na mag-ingat sa mga online job offer bilang customer service o chat support representative sa abroad. Ayon sa embahada sa Cambodia, maraming alok ang nauuwi sa scam gaya ng love scam at pekeng investment scheme, at karamihan sa mga ito ay may paakit na mataas ang sahod, libreng pagkain at tirahan.

Binigyang-diin ng DFA na mananatiling pangunahing layunin ng mga foreign service post nito ang proteksyon at kapakanan ng mga Pilipino sa ibang bansa. (Report by Bombo Jai)