Iniulat ng Department of Migrant Workers(DMW) na nakapag-secure na ito ng 260 flight bookings para sa mga Overseas Filipino Workers(OFW) na naiipit sa labanan sa Lebanon.
Ayon kay Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac, ang mga naturang booking ay may iba’t-ibang petsa ngunit magsisimula ito ngayong araw, Oct 14 at magtatagal hanggang Oct 28.
Maliban sa 260 OFW, inaasahan ding matatanggap na ng DMW ang immigration clearance ng humigit-kumulang 200 pang Pinoy sa Lebanon.
Kapag natapos na ang screening ng mga ito at maaari ng makabalik sa bansa, agad silang kukuhanan ng ticket para tuluyan ng makabalik sa Pilipinas.
Sa kasalukuyan, tuluy-tuloy din ang pakikipag-ugnayan ng DMW at ng Embahada ng Pilipinas sa mga OFW na nakabase sa Israel.
Ayon kay Cacdac, bagamat hindi gaanong pinapasok ng mga missile ang Israel dahil sa kanilang protective iron dome, patuloy ang pamahalaan sa paghikayat sa mga Pinoy na nakabase roon na bumalik na sa bansa habang nananatiling maayos pa ang biyahe o mga commercial flights.
Mula noong sinimulan ang repatriation sa mga OFW na nakabase sa Israel, isang taon na ang nakalilipas, mayroon nang 900 nakabalik sa Pilipinas.
Sa ngayon, mayroon nang mahigit 500 OFW mula sa Lebanon na nakabalik sa Pilipinas mula nang sinimulan ng pamahalaan ang repatriation mission. Ayon kay Cacdac, nabigyan ang mga ito ng cash at livelihood assistance upang makapagsimula ng kanilang kabuhayan sa kani-kanilang lugar.