-- Advertisements --

KALIBO, Aklan—Natupad ng Aklan Provincial Police Office (APPO) ang kanilang layunin na maabot ang ligtas, maayos, at masayang Kalibo Sto. Niño Ati-Atihan Festival 2025.

Inihayag ni P/Capt. Aubrey Ayon, tagapagsalita ng Aklan PPO sa ginanap na Site Task Group Ati-Atihan Festival closing and awarding ceremony, araw ng Lunes, ang natapos aniya na Ati-Atihan celebration sa bayan ng Kalibo, Aklan ay kabuuang naging mapayapa dahil sa walang naitalang malaking insidente at krimen.

Ngunit sa kabila nito, dalawang indibidwal ang nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 matapos na mahulihan ng marijuana nang dumaan ang mga ito sa pedestrian screening area na papasok sa festival zone area.

Nabatid na nasa 2,600 na mga security personnel mula sa iba’t ibang law enforcement unit kabilang ang mga volunteers at force multipliers ang idineploy ng Site Task Group Ati-Atihan Festival 2025 bilang bahagi ng seguridad.

Dagdag pa ni P/Capt. Ayon, nasaksihan ng mga nakibahagi sa okasyon ang aktibong partisipasyon ng iba’t ibang law enforcement agency at iba pang kinauukulang ahensya ng pamahalaan na nagtulungan para sa tagumpay ng inabangang pinakamalaking event ng taon sa lalawigan ng Aklan.

Samantala, pinasalamatan rin ng Aklan PPO ang kanilang mga tauhan, augmentation police force mula sa Police Regional Office 6, iba pang law enforcement agencies, miyembro ng media, emergency response team at ang publiko sa kanilang suporta at pakikiisa na maging ligtas at maayos ang Ati-Atihan Festival ngayong taon.

Karangalan aniya para sa Aklan PPO na maging bahagi ng tagumpay, ligtas at maayos na selebrasyon ng Mother of All Philippine Festivals.