Mahigpit na tinututukan at binabantayan ngayon ng Philippine National Police (PNP) ang nasa 266 potential private armed groups (PAGs) sa buong bansa na malaki ang posibilidad na magiging aktibo na naman ngayong malapit na ang election period.
Ito ay bukod pa sa 77 active private armed groups na identified na ng PNP.
Ayon kay PNP spokesperson C/Supt. Benigno Durana, batay sa kanilang datos as of 2nd quarter ng 2018 ang identified na 77 active PAGs ay mayroon itong 2,060 members at nasa 1,574 ang kanilang mga armas.
Nasa 72 sa 77 active PAGs ay matatagpuan sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).
Dahil malapit na ang election period, gagana na naman daw ang nasa 266 potential private armed groups na may 2,088 members at may mahigit na 1,000 mga armas.
Bago pa man makapaghasik at magamit sa mga kaguluhan ang mga private armed groups na ito ay ngayon pa lamang may mga hakbang na ring ginagawa ang PNP.
Kabilang sa direktiba ni PNP chief Dir. Gen. Oscar Albayalde sa mga regional, provincial at city police directors na siguraduhin na may may counter measures nang ipapatupad laban sa PAGs at mga gun for hire syndicates.
Sinabi ni Durana hindi nila hahayaan na mamamayagpag ang mga PAGs at mga gun for hire syndicates.
Aniya, mananagot at posibleng ma relieve sa pwesto ang mga police commanders kapag hindi magawa ng mga ito na mapagilan ang pamamayagpag ng mga armadong grupo sa kanilang areas of responsibilities.
Samantala, ikinatuwa ng pambansang pulisya ang deklarasyon ni AFP chief of staff Gen. Carlito Galvez na tapusin na ang deka-dekadang pakikipagdigma nila sa Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Ayon kay Durana, maganda aniyang hudyat ang naturang deklarasyon ni Galvez lalo’t nakapaloob aniya ito sa Bangsamoro Organic Law na susi para sa pagtamo ng pangmatagalang kapayapaan sa Mindanao.
Malaki aniya ang maitutulong nito sa kanilang kampaniya na supilin ang mga private armed group sa Mindanao partikular na sa ARMM kung saan mataas ang insidente ng karahasan lalo na sa tuwing sumasapit ang halalan.