Tinatayang 269 na mga high-powered at low powered firearms ang nakumpiska o isinuko ng mga rebeldeng miyembro ng CPP-NPA (Communist Party of the Philipppines-New People’s Army) sa militar.
Maliban pa ito sa kabuuang 174 na improvised explosive devices (IED) na narekober ng militar mula sa komunistang grupo na resulta sa kanilang inilunsad na focused military operations simula noong January hanggang March 15, 2018.
Ayon kay Armed Forces of the Philippines (AFP) Public Affairs Office (PAO) chief Lt. Col. Emmanuel Garcia, sa area ng Eastern Mindanao Command lamang ay nasa 174 armas at 140 IED ang nakumpiska ng mga tropa mula sa NPA at maging sa kanilang mga supporter.
Ang nabanggit na bilang ay mula sa magkakahiwalay na operasyon na inilunsad ng militar mula sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas laban sa CPP-NPA.
Kabilang dito ang pinakahuling engkuwentro sa Kalinga province noong March 12 kung saan rekober ng 26th Infantry Battalion (IB) ang isang 7.62mm rifle at isang AK47 rifle.
Isinuko naman ng dating miyembro ng NPA at limang miyembro ng Militia ng Bayan sa 29th IB ang anim na pipe guns, apat na shotguns, apat na pistols, IEDs, grenade, at iba pang mga war meterial.
Sa joint operation naman ng AFP-Philippine National Police sa Manjuyod, Negros Oriental, nakakumpiska ang mga ito ng apat na M16 rifles at dalawang M14 rifles mula sa anim na naarestong CNT members.
Sa Malaybalay Bukidnon, dalawang high-powered firearms ang isinuko sa militar.
Tiniyak naman ng AFP na ipagpapatuloy nila ang focused military operations para tuluyang tapusin ang armed capability ng komunistang grupo.
Hiling naman ng militar ang tulong at kooperasyon ng publiko para maaresto ang mga miyembro ng NPA na patuloy sa paghahasik ng kaharasan sa mga komunidad.