BOMBO DAGUPAN- Nasawi ang 27 taong gulang na lalaki matapos malunod sa isang ilog sa Pozorrubio, Pangasinan.
Ayon kay PMAJ. Zynon Paiking, ang Chief of Police ng Pozorrubio Police Station, kinilala ang biktimang si Pinky Castañeda, 27 anyos, residente ng brgy Laoac sa nasabing bayan.
Umaga pa lamang umano ay nakipag-inuman na ang biktima kasama ang apat nitong mga kaibigan at nang malalim na ang impluwensya nito sa alak, naisipan umano niyang mag-swimming.
Base sa imbestigasyon ng pulisya, pagka-dive umano ng biktima ay hindi na ito umahon pa.
Saad ni Paiking na hindi naman talaga malalim ang naturang ilog, sadyang quarry area lamang ang parteng iyon na nilanguyan ng biktima.
Ang pinangyarihan ng insidente ay isang crusher site na hinukay ng mga truck loader kaya naging malalim na umaabot sa halos 6ft ang tubig doon gawa na rin ng nagdaang mga pag-ulan.
Aniya, marunong naman umanong lumangoy ang biktima at itinuturing pa nga itong strong swimmer.
Ang sobrang kalasingan ang kanilang itinuturing na dahilan kung bakit hindi na nakaahon pa.