Kinumpirma ng Bureau of Corrections (BuCor) na nagpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang 27 bilanggo mula sa Correctional Institute for Women (CIW) sa lungsod ng Mandaluyong.
Sa pahayag ng BuCor, 51 inmates ng CIW ang nagpasuri sa deadly virus noong Abril 21, ngunit 27 rito ang nakitaan ng positibong resulta.
Agad namang inilipat ang nasabing mga inmates mula sa Mandaluyong patungo sa Site Harry, na siyang COVID-19 quarantine area sa loob ng New Bilibid Prison sa siyudad ng Muntinlupa.
“Continuous focused medical care and monitoring will be provided to ensure that no PDL will develop severe symptoms,” saad sa pahayag.
Nitong Abril 18 nang dapuan ng virus ang isang matandang inmate ng CIW, na dinala na sa Santa Ana Hospital sa Maynila.
Tatlong araw ang lumipas nang magpositibo na rin sa sakit ang 18 inmates at isang empleyado ng women’s prison, na agad na dinala sa Site Harry.
Nito namang Biyernes nang dalawa pang bilanggo sa CIW ang nahawaan na rin ng deadly virus.