-- Advertisements --

Nahaharap sa kasong paglabag sa Presidential Decree 449 o ang Cockfighting Law of 1974 ang 27 indibidwal matapos itong mahuli sa joint anti-illegal gambling operation noong Sabado, Pebrero 11, sa Brgy. Calajoan bayan ng Minglanilla Cebu dahil sa ilegal na sabong.

Isinagawa ang operasyon bilang tugon sa mga reklamo at intelligence report sa pagkakaroon ng e-sabong at ilegal na sabong sa lugar.

Sa panahon ng operasyon, walang live na e-sabong na ipinalabas sa arena ng sabungan, gayunpaman, ang mga opisyal at promoter ng sabong ay inaresto matapos bigong magpakita ng mga kinakailangang permit na nagpapahintulot sa pagsasagawa nito.

Nagresulta din ang operasyon sa pagkumpiska sa anim na buhay at dalawang patay na manok panabong, kabuuang 27 gaffs at gaff accessories sa loob ng arena, at bet money.

Mayroon pang kabuuang 200 manok panabong mula sa paligid ang nakumpiska, mga piraso ng dokumento at mga electronic devices mula sa tanggapan ng arena ng sabungan.

Samantala, nangako naman ang pulisya dito na paiigtingin pa nila ang kanilang mga operasyon laban sa ilegal na pagsusugal lalo na ang e-sabong.