BAGUIO CITY – Nalason ang aabot sa 27 na mga kabataang edad 16 hanggang 20 dahil sa pagkain umano ng mga ito ng meryendang champorado sa Bineng, La Trinidad, Benguet.
Ayon kay Dr. Ranilyn Lozañes, emergency room chief ng Benguet General Hospital, dumanas ang mga kabataan ng lagnat at loose bowel movement ilang oras matapos nilang kumain ng champorado, alas-4:00 ng hapon ng Miyerkules.
Salaysay pa nito, alas-7:00 ng Huwebes ng umaga ay sunud-sunod na dinala sa emergency room ang 13 na mga kabataan at nadagdagan pa ang mga ito hanggang umabot sa 27.
Posible aniyang bacterial contamination ang nangyari sa mga kabataan dahil sa kinain ng mga itong champorado na niluto mismo ng mga kabataan.
Napag-alaman na meryenda ito ng mga biktima na participants sa isang youth camp na inorganisa ng isang simbahan.
Nakalabas na sa ospital ang mga biktima matapos silang mabigyan ng lunas at narisetahan ng gamot.
Sinabi ng alkalde ng La Trinidad na babalikatin ng lokal na pamahalaan ang gamot ng mga biktimang hindi kayang bumili nito.
Iimbestigahan din ng Municipal Health Office ang kalinisan sa venue ng youth camp at ang paraan ng paghahanda ng kanilang mga pagkain.